AMIANAN
- Lance Abellon
 - Jun 25, 2024
 - 1 min read
 
Sa bawat araw, ang bawat tao ay sabik parati sa pag-uwi mula
sa mahabang araw ng pagkayod
Kung mayroon akong isang tahanang lagi’t laging uuwian
gusto kong uwian at balikan ang isang lugar
na kung saan hinahayaan akong
hindi muna buksan ang telepono.
magbukas ng mga mensahe na may kinalaman sa trabaho.
Na pitong oras marahil ang gugugulin
sa lansangan para lamang marating.
Gugustuhin ko munang humimlay
sa malambot na kama,
makatulog nang mahimbing,
malayang umikot-ikot, maya-maya,
babalikwas at tatayo kapag tinatawag nang mag-agahan.
Taun-taon, lagi akong sabik umuwi sa aking tagpuan,
Ang tagpuan ng pusong pagal mula sa
nakapapagod na siklo ng buhay sa siyudad,
at ng aming tahanan sa Amianan.
Dito ko natutuhan ang kapayakan ng buhay,
na kung saan walang lugar ang pagmamadali.
Ang tanging mayroon lamang lugar ay pamamahinga.
Ang pansamantalang pagtakas sa ingay ng siyudad.
Walang lugar rin ang pag-iisip sa bukas.
Tila ang oras ay nakahinto.
Na kapag tila dumating na muli ang araw ng pagbalik sa siyudad,
tila ang puso ay gustong isama ang mga tawa, mga kuwentuhan,
mga kumustahan,
at mga sandali na walang iniisip na trabahong naiwanan.
Na kahit malayo man, kapag nakarating ang aking mga paa,
tila nagiging malapit ito.
At ilang buwan na lamang,
sabik na akong muling umuwi sa'yo.
2023
Abellon

Comments