Ang Mga Lugar Ay Hindi Mga Lugar Lamang
- Lance Abellon
 - Jun 25, 2024
 - 1 min read
 
Ang mga lugar ay hindi lugar lamang.
Sila ang piping saksi sa bawat sandali
ng bawat nating pagmamadali, pananatili,
paglisan, at muling pagbalik.
Ang mga lugar ay hindi mga lugar lamang.
Sila ang tahimik na tagasubaybay ng palitan ng mga pangako.
Sila ang haliging maaring masandalan sa oras ng ating pagguho.
Ramdam nila ang daing na tayo lamang marahil ang nakakaalam,
na ibunubulong natin ito sa kanilang mga paanan.
Mga panalangin na sila lamang ang makababasa batay sa bawat buntong-hininga.
Sila ang mga tagatago marahil ng ating mga lihim na hindi kayang masambit.
Sila ang katuwang sa paglikha ng mga pangarap na gustong makamit.
Mga manonood na maaring hindi man makatugon,
ngunit ramdam nila ang ating himutok.
Sinasalo ang bawat pagkapagod.
Mga tagapagbantay ng bawat nating pagtatanong sa pag-iisa.
Trabaho nilang aliwin tayong mga aligaga at abala.
Sila ang tagahatid ng kaunting kislap na maari nating madala sa ating pag-uwi.
Sila ang dahilan sa palitan ng mga tawanan at ngiti.
Ang mga lugar ay hindi mga lugar lamang.
Sila ay kapiraso ng ating pagkatao.
Mga alaala na maaring itago at alagaan.
Tulay na palagiang pumapagitan para
mabuksan ang ating malay at ulirat
sa kabuluhan at saysay ng sanlibutan.
Pasalamatan sila sa pagbibigay
ng mga bagong dahilan para muling akapin
ang buhay sa kabila ng kakabit nitong hirap.
Gamitin itong armas para gunitain,
na hindi na balikan ang nakaraan,
o maaring susi,
para umukit at muling magtala
ng mga bagong alaala,
ng ating kasalukuyan.
Abellon
Abril 2024

Comments