ššššš
- Lance Abellon
 - Jun 25, 2024
 - 1 min read
 
Noong bata ako, mahilig akong pumunta sa mga museo.
Tinitignan ko ang bawat obrang nakapaligid sa
akin. Iniisa-isa ang kanilang kasaysayan at mga
paraan ng paglikha ng mga obra.
Inaalam ko ang kanilang mga kuwento.
Kung ano ang nagtulak sa mga lumikha sa kanila.
At noong mga panahong iyon, manghang-mangha ako sa kanila.
Manghang-mangha ako sa bawat detalye ng pagkalikha sa kanila.
At bumalot sa isip ko ang ganito:
Na lahat ng bagay ay may kasaysayan.
Bawat kuwento ay may pinagmulan.
Bawat akda na mababasa o obra ay may maiiwang
marka sa ating paghinga.
Nalaman kong napakakulay ng buhay.
Maraming mgahiwaga ang nakapaloob sa
bawat dilim at liwanag ng bawat yugto.
Na walang ni isang alaalang hindi tatangkaing
makalimutan ng sinuman.
At mula noon, sinubukan kong itago sa alaala
ang bawat karanasan na dinadaanan ko.
Ginawa kong isang museo ng mga alaala ang
aking puso. Ang bawat lugar na napupuntahan ng aking
mga paa. Ang bawat payo at aral na parating sinasabi sa
akin ng taong sa akin ay patuloy na umaagapay.
Silang mga parola na matagal ko nang tangan.Ā
Iniisip na ang bawat yugtong dinadaanan
ko ay may nais na ituro sa katulad ko.
Na walang alaalang malilimutan ng sinumang
minsang nagpahalaga sa kanila.
Mabuti man o mga masasamang alaala ay
hindi dapat malimutan ninuman.
Dahil sila ang nagsisislbing mga tanda ng ating
paghinga. Magsisilbi silang mga aral na dapat nating
dalhin saan man tayo magpunta.
Parati natin silang balikan hindi upang masaktan.
Balikan natin sila upang muli nating alalahanin
na ginawa ang bawat alaala upang gawing
makabuluhan ang ating paghinga.
Maging tayo mismo ay isang kasaysayang
parati nating babalikan.
Mayo 2019
Abellon

Comments