LIHAM PARA SA BATANG AKO, II
- Lance Abellon
 - Nov 27, 2024
 - 2 min read
 

Alam ko, na kinahiligan mo ang tumingala sa itaas noon pa man sa paniniwalang marapat na maging malakas ang loob sa anumang labang iyong kahaharapin sa hinaharap.
Laging ganito ka umanggulo sa oras na makuhanan ka ng kamera ng larawan. Ang iniisip mo lamang ay kung papaano mo mapagtatagumpayan ang bawat araw sa pagsususmikap na pag-aralan ang bawat sabjek sa eskuwela.
Ang iniisip mo lamang noon, ay ang panibagong pagkakataon para mapabuti ang sarili at ang grado at mapakita na ikaw ay ginagawa ang lahat para lamang maging angat sa iba.
Kasabay ng laging pagsusumikap, ay ang palagiang paghila sa'yo pababa ng iba.
At dahan dahan, ang batang mahilig tumingala sa itaas, ay yumuyukod ang ulo.
Binabalot ng hiya at ng takot. Laging takot sa mga salitang maririnig buhat sa iba.
Laging pinapangunahan ng hiya na maaring kapag siya ay masilayan at mapansin,
na kapag mabaling ang kanilang tingin, na ikaw ay pagtawanan.
Subalit sa pagkakataong iyon, ang pagyukod ng ulo,
ay hindi tanda ng hiya, takot, o anumang pangamba.
Kundi pag-usal ng panalangin na makalaya mula sa gapos at rehas ng pagmamalupit at pagtuya ng iba.
At sa isang iglap, may kislap na naramdaman ang puso.
At dahan-dahan kang natagpuan ang sarili sa pagtatanghal sa entablado.
Na kung saan ang bawat sulok nito ay isang kakampi.
Sa paglikha. Sa sining na sinimulan mong mahalin.
At doon, naging malaya ka kung sino ka.
Dali-dali mong naturuan ang sarili na hindi mo ito kailangang ikahiya.
At muli kang natutong tumingala sa itaas kagaya ng lagi mong anggulo sa mga larawan. Na kinahiligan mo muli ang tumingala sa itaas noon pa man sa paniniwalang marapat na maging malakas ang loob sa anumang labang iyong kahaharapin sa hinaharap.
Sa pagtingala sa itaas, ay ang pagtingala rin sa pag-ibig ng Lumikha na sa una pa lamang ay hinuhubog ka.
Kaya, salamat.
Na sa dinami-rami na at hinaba-haba na ng daan, ay nagpapatuloy ka lang.
Abellon
18 Nobyembre 2024

Comments