PAGSIKAT, PAGLUBOG
- Lance Abellon
 - Jun 25, 2024
 - 1 min read
 
Lumulubog at sumisikat ang araw:
sa mga halang at tapat.
Sa mga magnanakaw ng bukas at nagtatanim nito.
Sa mga lumalaban sa bukas
para maging búkas ang sinumang maaabutan nito.
Sa mga palalo ang puso at taos ang hangarin.
Sa mga nagbibigay ng hirap at dusa
at nagpapagaan ng pasanin.
Malaya rin itong magbigay liwanag
sa pilit na nagtatago ng katotohanan.
Sa mga pusong sugatan,
sa mga nahihirapang makagalaw
para matanaw ang laya mula sa layaw
ng mga mapaniil para makapanggulang.
Lumulubog at sumisikat ang araw maging sa iilan
na tila nalulugmok at nalalango sa kapangyarihan,
sa mga kaluluwang ang hangad lamang ay magbigay ginhawa
sa pagkahapo ng kanilang ginagalawang munting mundo.
Lumulubog at sumisikat ang araw,
sa bawat tao na nakikibaka nang maayos,
sa mga taong kumakayod sa init o lamig
para lamang ang mga anak ay makatapos.
Sa mga taong hindi lamang hangad ang araw ay matapos kundi makaraos.
Paalalang hindi man natin tanaw agad ang umaga,
Balang araw, maaring niyang ipaalala,
na may patutunguhan ang bawat buntong-hininga.
Ang mga dalangin bagamat hindi maisambit sa dulo ng dila.
Sa pagpiling mabuhay sa mundo,
sa kabila ng taglay na dilim nito,
may puwang pa rin ang liwanag kung patutuluyin mo ito.
Na sa kabila ng kawalan,
na ang kapalit ng wala,
ay awa, at laya.

Comments