top of page
Search

RESTORAN

  • Writer: Lance Abellon
    Lance Abellon
  • Jun 25, 2024
  • 1 min read

Malamang maraming beses kong tatangkaing baybayin 

ang mga restoran na ating kinakainan, 

dahil kakabit nito ang mga alaalang ating naisulat. 

Saksi ang mga silya, ang mga mesa, 

mga tahimik na tagasubaybay at manonood sa bawat nating tawa, 

hagikhik, at mga kuwentong salitan nating ibinabahagi.

Silang mga walang buhay, 

ngunit buhay silang mga katibayan, 

na minsan silang naging bahagi ng ating mga sandali 

na tayo ay magkaharap sa hapag, 

na waring sabay tayong sumusumpa 

sa altar ng walang hudyat ng pamamaalam. 

Ngunit ngayon, sa tuwing mapapadaan, 

Mag-isa ko na lamang silang naaalala. 

Wala na ang iyong mga bakas, 

Wala ang iyong anino. 

Naghihintay na anumang oras, 

baka may magkamaling kumuha ng larawan 

na kumakain akong mag-isa. 

Baka sakaling makarating sa’yo ang aking kasalukuyan. 

Walang masama at nakapanlulumo sa pag-iisa. 

Minsan, doon mas naaakap ang kabuuan

na hindi hinihingi ang pagtanggap ng sinuman. 

Ang sumasagi lamang sa isip ko, 

bakit ko ikalulungkot ang mag-isa, 

kung nakayanan ko naman noong lakbayin ang daan

na wala ka pa?


2023

Abellon

 
 
 

Recent Posts

See All
ODA SA BUHAY

Para sa mga umagang sumisilay na nagtatakda ng pagbangon hindi lamang sa kama kundi para sa panibagong paglalayag Sa mga tapik sa balikat...

 
 
 
HABANG PAUWI

Lagi tayong umuuwi bitbit ang mga aral at danas ng araw na nagwakas. May mga beses na tinangka ang pagbitaw at pagsuko, subalit may mga...

 
 
 
Kung Nakamamatay Ang Pag-Ibig

Kung nakamamatay ang pag-ibig,  marahil kapag nilunod nito ang iyong puso sa sakit,  sa hindi malamang mga dahilan ng biglaang pagbitaw,...

 
 
 

Comments


Created by Lance Abellon. Proudly created with Wix.com

bottom of page