top of page
Search

Segundo

  • Writer: Lance Abellon
    Lance Abellon
  • Aug 14, 2023
  • 2 min read

Ayon sa mga dalubhasa sa matematika at siyensa, ang sabi nila:

Ang bente kwatro oras, ang isang araw ay may katumbas

na walumput anim na libo at apat na raang segundo.

Ibig sabihin lamang meron tayong panahon

upang makpapag iwan ng mga bakas ng ating paghinga at alaala sa

mundong ating ginagalawan.

Na kung may mga bagay ka pang hindi nagagawa ay pwede mo pang

magawa.


Tikman ang iba't ibang lasang hatid sa atin ng buhay,

ay namnamin ang kaakibat nitong pakiramdam.

Maglakbay at maglayag sa mga lugar na nais mong mapuntahan.

Lumikha ng mga masasayang alaala kasama ang mga minamahal sa

buhay at ibaon parati sa gunita,

Piliin parati ang magmahal at matutong ipaglaban ang mga bagay na

alam nating mananatiling mahalaga.


Lumaban ka para sa mga mahihina,

maging kasingtibay ng kawayan na hindi kailanman mapapayuko ng

mga pagsubok at mga delubyo,

Angkinin ang bawat pagkakataong binibigay sayo ng buhay na para

bang isang pagtatanghal sa entablado.

Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon na ipakita ang sarili nilang kinang.


Hanggang nasa'yo ang pagkakataong magbigay liwanag sa iba,

ay ipasa mo ang sulong taglay ang sariling apoy na pinatibay ng mga dagok.

Maging tulay kang maaring tumupad ng pangarap ng isang pusong naghahangad.

Maging buhay kang pahina at kuwento na maaring mabasa

o mapakinggan at hindi mapagsasawaan ng sinuman.


Patawarin ang mga taong maaring sa’yo ay nagkulang. Ayusin ang bawat gusot na matagal nang hindi nadadaan sa mabuting usapan.

Sambitin ang mga salitang kay tagal mong ikinubli para maunawaan ka ng iba.

Mga lihim na pagtingin na maaring matagal mo nang nararamdaman sa iyong napupusuan.

Mga damdaming hindi kayang mapakawalan sa mga simpleng pamamaraan.

Hindi lahat ay nadadaan sa pagmamadali.

Bagkus, matutuhan mo itong akapin gaano man karaming beses ka magkamali,

dahil ang buhay hindi isang paligsahan.

Kundi ito ay isang malawak na pamantasan

na kung saan lahat tayo ay pawang mga mag-aaral.


Hindi mahalaga kung nasa bungad ka pa lamang ng daan,

o malapit ka na sa tarangkahan ng paglaya sa sariling kahulugan.

Ang buhay ay tungkol sa kung papaano mo natututuhang

unti-unting lumakad nang diretso sa nais mong patunguhan.


Ayon sa mga dalubhasa sa matematika at siyensa, ang sabi nila: Ang bente kwatro oras, ang isang araw ay may katumbas na walumput anim na libo at apat na raang segundo. Ibig sabihin lamang meron tayong panahon upang makpapag iwan ng mga bakas ng ating paghinga at alaala sa mundong ating ginagalawan.


At ngayon,

merong walumput anim na libo at apat na raang segundo na nakalapat

sa mga palad mo,

ang naiiwang tanong na lamang,

paano mo magagawang maging makabuluhan ito?

 
 
 

Recent Posts

See All
ODA SA BUHAY

Para sa mga umagang sumisilay na nagtatakda ng pagbangon hindi lamang sa kama kundi para sa panibagong paglalayag Sa mga tapik sa balikat...

 
 
 
HABANG PAUWI

Lagi tayong umuuwi bitbit ang mga aral at danas ng araw na nagwakas. May mga beses na tinangka ang pagbitaw at pagsuko, subalit may mga...

 
 
 
Kung Nakamamatay Ang Pag-Ibig

Kung nakamamatay ang pag-ibig,  marahil kapag nilunod nito ang iyong puso sa sakit,  sa hindi malamang mga dahilan ng biglaang pagbitaw,...

 
 
 

1 Comment


Ronald Mendoza
Ronald Mendoza
Aug 14, 2023

Mabangis na letrahan!

Like

Created by Lance Abellon. Proudly created with Wix.com

bottom of page