Unang Halik, Unang Akap
- Lance Abellon
 - Jun 25, 2024
 - 1 min read
 
Bagamat bata ako noon,
may mga ilaw na naaninag,
Ang katotohanang ako ay naisilang ay
may hudyat na ako ay nakatakdang mabuhay.
Maaring bunga man ng pagkakamali
dala ng kapusukan,
o maaring bunga ng pag-ibig
na nakatakdang mamukadkad.
Ang kanyang pagyakap ay parang biglaang pagdating ng
ginhawa katulad ng hanging amihan,
ang kanyang mga haplos
ng paghilom na dahan-dahang pinapaggaling ang sugat ng nakaraan.
Sinasabi niyang ang hapdi ng sugat ay marahil marubdob, ngunit kalaunan ay lilisan.
Ang mundo ay marahas, subalit may pag-ibig pa ring nananahan.
Ang kanyang paghalik sa noo at pisngi,
ay siyang pagtanggap sa aking kabuuan.
Nagpapaalalang ang kanyang mga bakas
ay mananatiling buhay na aalala na maari kong maikuwento sa iba.
At magpahanggang ngayon, ay nakatatanggap pa rin ako
ng mga halik at yakap mula sa kanya.
Ang mga ito ay isang palatandaan:
Na hindi ako bunga ng anumang pagtataksil
o pagkukulang, kundi isang biyaya at katuparan.
Abellon | 13 Mayo 2024

Comments