top of page
Search

Yugto

  • Writer: Lance Abellon
    Lance Abellon
  • Aug 14, 2023
  • 2 min read

Nasusulat sa Banal na aklat,

lahat ng bagay sa buhay ay may panahon.


Lagi kong naririnig na sa buhay ang

bawat kabanata ay may nais na

ipabatid at ipaalala.


Silang mga tanda ng paminsan minsan

nating pagkabuwal, pamamahinga

at muli nating pag-ahon at pag-usad.

Paalalang ang buhay, katulad ng mga siklo sa kalawakan,

ay umiikot lamang sa iba’t ibang klima at panahon.


Tag-ulan.

Na kung saan kakambal nito ay mga luha na madalas nating ikinukubli.

Mga luha at lungkot na itinatago natin sa likod ng pagngiti.

Mga panahong pagpilit nating maging maayos

buhat sa mga panahon ng pag-iisa.

Pahintulutan ang sarili na anumang oras ay masagip ng pag-asa.

Maniwalang may sasabay na suungin at lumakad sa ulan.


Tag-lamig.

Na kung saan madalas matatagpuan natin

ang ating mga sarili na lupaypay.

Pagod. Hulas. Pagal na ang pangangatawan.

Madalas tayong sinusubok sa kung

hanggang saan ang kayang tiisin sa pagpiling manatili sa kabila ng lahat.

Maaring minsan, may pakiramdam ng pang-iiwan at pagpapabaya.

Na para bang nasa gitna tayo ng kawalan at ng katiyakan ng lahat.


Tagsibol.

Na kung saan ito ang simula ng paghilom mula sa taglamig at tag-ulan.

Na mula sa matinding pinsala nito ay unti-unting pagsilay ng ginhawa.

Mga panahong pagsisimulang mamunga

mula sa mga hamong iniatang ng buhay.

Doon mababanaag ang kahalagahan ng

pagyakap sa sarili nating halaga at kulay.

Simulang mahalin ang sarili sa kabila ng mga sugat at pilat.


Tag-araw. Dito natin mababanaag ang rikit ng tanawin. Ang samyo ng ligaya. Nalalasahan at natitikman ang sarap ng buhay sa bingit ng lahat. Nakikita ang mga samu’t saring kulay ng buhay. Ang matatamis na ngiti at mga luha ng pagbubunyi.

Na makikita mong sa bawat kabanata ay makikita ang saysay ng lahat.

Nasa bawat pagdaan ng bawat yugto,

Nakayanan mo itong alpasan.

At sa lahat ng ito, binabati kita.


Sa pagpiling manatili sa

bingit ng bawat taglamig at tag-ulan, at sinasalubong ang bawat tag-araw.

Na pinili mong kumutan ang sarili ng pag-asa.

Nakatagpo ng masisilungang tahanan ng pag-ibig.


Sa bingit ng lahat ng iyon, hindi man natin pansin,

nakatunghay lamang ang Diyos. Siya na hindi man natin ramdam,

ay hawak Niya ang ating mga kamay.

Naramdaman ang mga palad at posteng ating makakapitan sa oras ng kagipitan. Silang mga buhay na katibayan na may mga kamay at mga matang hindi handang mang-iwan at humusga.


Nasusulat sa Banal Na Aklat, lahat ng bagay sa buhay ay may panahon. Lagi kong naririnig na sa buhay ang bawat kabanata ay may nais na ipabatid at ipaalala.


Mapa taglamig,

tag-ulan, tagsibol man o tag-araw,

Ang bawat yugto sa buhay na iyong pinagdaraanan,

Lagi’t laging patungo ito, sa mas matatag

at bagong ikaw.



Abellon

16 Mayo 2023




 
 
 

Recent Posts

See All
ODA SA BUHAY

Para sa mga umagang sumisilay na nagtatakda ng pagbangon hindi lamang sa kama kundi para sa panibagong paglalayag Sa mga tapik sa balikat...

 
 
 
HABANG PAUWI

Lagi tayong umuuwi bitbit ang mga aral at danas ng araw na nagwakas. May mga beses na tinangka ang pagbitaw at pagsuko, subalit may mga...

 
 
 
Kung Nakamamatay Ang Pag-Ibig

Kung nakamamatay ang pag-ibig,  marahil kapag nilunod nito ang iyong puso sa sakit,  sa hindi malamang mga dahilan ng biglaang pagbitaw,...

 
 
 

Comments


Created by Lance Abellon. Proudly created with Wix.com

bottom of page